Mga Taga-Galacia
1
1 Ako si Pablo na apostol. Hindi ako apostol na mula sa mga tao o sa pamamagitan ng tao, ngunit sa pamamagitan ni Jesu Cristo at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay. 2 Kasama lahat ng mga kapatiran, sumusulat ako sa mga iglesya ng Galacia. 3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo, 4 na nagbigay ng kaniyang sarili alang-alang sa ating mga kasalanan upang mailigtas niya tayo sa kasalukuyang makasalanang panahon, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5 Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. 6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo. 8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.” 10 Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo. 11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinahayag ay hindi nanggaling sa mga tao lamang. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, hindi rin ito itinuro sa akin. Sa halip, sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo sa akin. 13 Narinig ninyo ang tungkol sa dati kong buhay sa Judaismo, kung paano ko marahas na inuusig ang iglesiya ng Diyos ng walang kapantay at winawasak ito. 14 Ako ay nangunguna sa Judaismo nang higit sa maraming kapwa ko Judio. Labis akong masigasig para sa mga kaugalian ng aking mga ninuno. 15 Ngunit ikinalugod ng Diyos na piliin ako mula pa sa sinapupunan ng aking ina. Tinawag niya ako sa pamamagitan ng kaniyang biyaya 16 upang ihayag ang kaniyang Anak sa akin, upang ipahayag ko siya sa mga Gentil. Hindi ako kaagad sumangguni sa laman at dugo at 17 hindi ako pumunta sa Jerusalem sa mga naunang naging apostol kaysa sa akin. Sa halip pumunta ako sa Arabia at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. 18 At pagkatapos ng tatlong taon pumunta ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas at nananatili ako sa kaniya ng labing limang araw. 19 Ngunit wala akong nakitang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 20 Makinig kayo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling sa mga sinusulat ko sa inyo. 21 Pagkatapos, pumunta ako sa rehiyon ng Siria at Cilicia. 22 Hindi pa ako nakikita ng mga iglesiya sa Judea na nakay Cristo, 23 ngunit naririnig lang nila na, “Ang taong umuusig sa atin noon, ngayon ay nagpapahayag ng pananampalatayang winawasak niya noon.” 24 Niluluwalhati nila ang Diyos dahil sa akin.